Latest News

RALLY SA HARAP NG KAPITOLYO AT MARELCO


Pinangunahan ni Bishop Reynaldo G. Evangelista ng Diosesis ng Boac ang isang rally sa harap ng kapitolyo at Marelco ngayong umaga na isinagawa para matugunan ang power crisis sa Marinduque.

Sa kanyang pananalita inihayag ng Obispo na maliwanag na ang ugat ng suliranin ay nagmula sa kontratang pinirmahan noong 2005, sa pagitan ng 3i Powergen at Marelco. Bagama’t hindi naisagawa aniya ng 3i Powergen ang kanilang responsibilidad na mag-supply ng kuryente sa Marinduque, ay hindi makapasok ang Napocor upang rumisponde sa kadahilanang hindi na naisama ang Marinduque sa budget nito bilang resulta ng nasabing kontrata.

Sinuportahan ni Bishop Evangelista ang proposal ng Napocor na inihayag noong nakaraang Energy Summit sa MSC na kung saan nabanggit ang kahandaan ng Napocor na mag-supply ng elektrisidad sa Marinduque sa loob pa ng sampung taon bilang tugon sa suliranin.

Binanggit din nito ang tila hindi makatarungang hiling ng Marelco na inihayag nito sa narakaang pagpupulong (Energy Summit), na tatlong taon lamang ang dapat na maging kasunduan sa Napocor para sa pag-supply ng kuryente.



Idinagdag ng Obispo na nakahandang makialam ang lokal na simbahan sa pagpapawalang-bisa ng kontratang 3i Powergen-Marelco at pagbalik ng Napocor bilang supplier ng kuryente para sa pangkahalatang kapakanan ng mga mamamayang Marinduqueno, kahit aniya makarating pa ang usapin sa pangulo ng Pilipinas kung kinakailangan.

Sa loob ng nakaraang linggo ay hinikayat ng lokal na Simbahang Katoliko ang sambayanan na makilahok sa rally na nabanggit. Nagpaalaala rin ang pinuno ng simbahan na maging mahinahon ang mga sasali sa rally, maging maingat sa mga pananalita at mga kilos. Subalit sa nangyaring kaganapan sa harap ng kapitolyo, bagamat naging magalang ang pananalita ni Evangelista, hindi rin naiwasan na mabahiran ng pulitika ang okasyon nang isang miyembro mismo ng kaparian ang nag-udyok ng pagsigaw nang iniabot ang mikropono kay Gov. Jose Antonio Carrion para magsalita. Hindi na rin ipinagpatuloy ng gobernador ang kanyang mensahe ng kahinahunan at suporta sa pagkilos na isinagawa at nagpahayag na lamang ng kanyang pasasalamat.

No comments:

Post a Comment

Moriones Festival in Marinduque Designed by Templateism.com Copyright © 2014

Theme images by Bim. Powered by Blogger.