"Hindi tayo mga pulubing maninikluhod ng limos mula sa mayamang minahan. Tayong mga mamamayan ng Islang ito na may dignidad at paninindingang naniningil ng kanilang inutang na responsibilidad!!! Mabuhay ang marangal na lahing Boakenyo at Marindukenyo!" - Konsehal Myke Magalang, Marso 24, 2014
Matatandaang bagamat paulit-ulit na inaanunsiyo sa publiko ng ilang mga bokal ng Sangguniang Panlalawigan na Oktubre 2013, pa lamang diumano ay "isinuka na"ng Pamahalaang Panlalawigan ang mungkahing settlement agreement, wala namang maipakitang opisyal na Resolusyon ang mga kinauukulan na walang dudang ganito nga ang isinasaad.
Sa katunayan ay nanatiling aktibo silang mga kinauukulan sa kapitoyo ng Marinduque sa pagtawag ng mga pagpupulong upang mabago ang daloy ng pagtutol ng mga mamamayan at lunukin ng buong-buo ang isinuka nang mga kondisyones.
Naroong himukin nila ang ilang mga personalidad na
pumunta sa islang-lalawigan gamit ang kanilang mga pangalan at tanggapan upang silawin at bulagin ang mga Marindukenyo sa pamamagitan ng mga makabagbag-damdaming mga pananalita.
Salamat sa taimtim na mga panalangin, hindi naman natinag sina Juan at Juana Marinduke na sadyang maalam kumilatis ng katotohanan sa pagkakataong ito!
At bagamat pormal na ipinaalam na ng kumpanyang Barrick Gold sa Korte Suprema ng Nevada na makalipas ang dalawa at kalahating taon ay hindi nga nagawa ng mga partidong makarating sa isang kasunduan, at dahil dito ay hiniling na nga ng Barrick sa Korte na iwanan na ang proseso ng negosasyon at ituloy na ang pagdidinig sa naudlot na kaso, tila nananatiling bulag, pipi at bingi pa rin hanggang ngayon silang mga kinauukulan, sa pagbabaka-sakali pa rin kaya?
Dahil kaya totoong hindi nga sapat ang kanilang nalalaman tungkol sa mahaba nang narating na usaping ito na alam at batid naman ng mga mamamayan at ng buong mundo? O dahil kaya sa pananatiling tahimik ng liderato ng lalawigan hinggil sa usapang salaping ito sa lumipas nga na dalawang taon at kalahati, at hanggang ngayon ay wala pang maliwanag na senyas o "senyasan"?
Ngayong pormal na naghain na ng kanilang posisyon ang Barrick, mananatiling bulag, pipi at bingi pa rin kaya ang dapat na noon ay nauna nang nagpahayag ng kanilang kapasiyahang naaayon sa kalooban ng Sambayanang Marindukenyo? Hindi kapasiyahan nilang mga sabik lamang makalikom ng salaping para sa kanilang mga bulsa?
Para sa kaalaman ng lahat, sumusunod ang kopya ng Respondent's (Barrick Gold) Status Report and Request to Vacate Stay, June 30, 2014, mula sa kaukulang website ng Supreme Court of Nevada sa kasong ito:
Isa sa mga pagpupulong noong nakaraang taon tungkol sa kasong ito na ginanap sa Session Hall ng Kapitolyo ng Marinduque. |
No comments:
Post a Comment